Tatlong Araw sa Bohol

Tatlumpung taon ang nagdaan bago ko masilayan ang dati-rati’y ginuguhit ko lang na chocolate hills. Sa isip ko noon, batay sa mga larawan ang mga burol na iyon ay sadyang napakagandang mamasdan. Ang pamosong Chocolate Hills ang nakaimpluwensya sa akin na sumasama sa tatlo kong kaibigan papuntang Bohol.

Sa eroplano, wala pang isang oras ang biyahe patungong Tagbilaran, ang kapitolyo ng probinsiya ng isla ng Bohol. Ayon sa itenari na ginawa ng isa sa aking mga kasama, marami pang mapapasyalan sa islang ito, maliban sa Chocolate Hills. Sa tatlong araw na inilagi namin roon, maraming magagandang alaala na mababalikan namin sa tuwing sisilipin ang mga larawan.

Mula sa hotel, sinundo kami ng sasakyan ng hotel kung saan kami nakabook sa loob ng tatlong araw. Matapos magtsek-in at magpahinga sandali, bumiyahe kami patungong Fort of Ponta Cruz, isa itong muog na nagsilbing bantayan noong mga panahon ng Kastila. May tatlumpong minuto halos ang biyahe mula tagbilaran patungo rito, at mula sa kalsada, mga 15 minutong lakaran pababa.

Mula sa vista sa itaas nito ay matatanaw ang isla ng Mindanao. Malinaw ang tubig ng dagat sa paligid nito, at makikita mula sa itaas mga corals, star fish at iba pang mga isda. Mababa pa noon ang tubig ngunit namasdan ko na tumaas ito at halos punuin ang buong baybay. Nanatili kami dito at nagpahinga hanggang sa paglubog ng araw. Ang drayber ng nasakyan naming express service ay siya na rin naming kinausap para magpasyal sa amin sa kinabukasan sa loob ng isang maghapon.

Pagbalik sa Tagbilaran, sa isang Karinderya lang kami kumain upang masubukan ang mga tradisyunal nilang pagkain doon. Ngunit ang kinain din namin ay iyung mga putahe na pamilyar rin sa amin. Sa lahat ng lugar sa Pilipinas ay mayroong longganisa, kaya ito ang sinubukan at isang order ng inihaw na liempo. Parehong matamis ang dalawang ulam na ito, di dapat sa may diabetes at mataas ang kolesterol.

Sa pangalawang araw namin sa Bohol, ay tumungo kami sa Chocolate Hills. Ito ang pinakapopular na lugar sa islang ito, at ipinagmamalaki ng Pilipinas na rito lang makikita. Nabuo ito, ilang milyong taon na ang nakakaraan. Dahil ang isla ay mula sa malaking bahagi ng lupa mula sa ilalim ng karagatan. Tila ito ay mga coral formations, at katunayan ang mga bato na makikita rito ay para ngang mula sa karagatan.

Binagtas namin ang daan kung saan sumandali sa biyahe ay mabubungan ka ng isang man-made forest. Ito ay bahagi ng kabundukan na tinamnan muli ng mga tao roon. Di pa gaanong kalapad ang mga puno ngunit matatayog itong inaabot ang kalangitan. Sa loob nito ay biglang nababago ang temperatura at sandaling dumidilim. Ilang hektarya rin ang natamnan na, patunay na kung gugustuhin ng tao na pagyamanin ang kalikasan ay magagawa nito.

Pabalik, huminto kami sa isang farm kung saan inaalagaan nila ang ilang mga tarsier at isa pang endangered specie na flying lemur. Ang mga nasabing hayop ay mga nocturnal mammals. Sila ay aktibo sa gabi, at tulog sa araw. Kung kaya sa pagbisita ng mga turista, tanging mga sandaling sulyap lang at kurap ng kanilang mga mata ang babati sa mga ito. Ang Tarsier ay isa sa pinakamaliit na primates sa mundo. Mukha silang mga daga, ngunit ang lahi nila ay sa unggoy. Pinagpala ang Bohol at isa ito sa mga lugar kung saan sa Asya namumuhay ang mga ganitong specie.

 

Tanghali na ng makarating kami sa Loboc. Tamang oras upang mananghalian. Isa sa popular na kainan at thrills ng pagbisita sa Loboc ang pagkain sa bangka habang binabaybay nito ang kahabaan ng Loboc River. Mula sa daungan, matatanaw sa kabila ng ilog ang Loboc Church, isa sa mga pinakamatandang simbahan sa Pilipinas. Ang mga bangkang magpapasyal sa mga turista hanggang sa dulo ng ilog ng Loboc ay mga floating-restaurants, buffet ang pagkain at maraming pagpipilian. Sa daungan ay nakalista kung ano ang mga pagkain na inihahanda sa bangka.

Mula sa daungan, hihinto ito at magkakarga ng mga pagkain. Habang hinahanda ang hapag, ang mga tao naman ay aaliwin ng ilang mga musikero habang naghihintay at umuusad ito. Malinis ang ilog at malamim, ang tubig nito ay mula sa kabundukan. Sa dakong dulo ay may ilang mga balsa ang naglululan ng mga batang sumasasaw at kumakanta sa saliw ng rondalla at iba pang instrumento. Sila ay dagdag na aliw sa mga turistang namamasyal sa Loboc River.

Luntian ang buong paligid ng ilog, saan man maipaling ang iyong tingin. Isang tanawin, di mo makikita kung ikaw ay nasa siyudad, lalo pa sa Maynila. Maiisip mo, kung sana ang Ilog Pasig ay kasing sigla ng Ilog ng Loboc, ito rin ay magiging puntahan ng turista. Masaya at nakakapagpasigla ang pagbagtas na iyon sa Loboc. Matapos kaming kumain ay ilan pang mga lugar ang hinintuan namin. Ang Simbahan ng Imaculada Concepcion kung saan ang mukha ni Padre Pio ay tila nabuo sa mga lumot ng simbahan na gawa mula sa corals. Huminto rin kami sa kung saan naganap daw ang Blood compact, pero ang mga estatwa ay nag-iinuman lang.

Sa sumunod na araw ay tumungo kami sa isla ng Panglao. Tricycle ang naghatid sa amin duon dahil may kalsadang nagdurugtong dito mula sa Tagbilaran. Maayos ang mga kalsada, ngunit pataas at baba ito. Papasok sa mga resort ay makipot at magaspang na ang daan. Ngunit ang tanawin sa Panglao ay sadyang papawi sa namamanglaw na diwa. Puti ang buhangin, asul ang dagat na halos humahalik sa kalangitan. Sa panahon nga lang na iyon, maraming mga halamang dagat ang nasa pampang,ngunit nililinis naman ito ng mga tauhan ng resorts sa tuwing umaga.

Malamig at nakakapanariwa ng pakiramdam ang tubig sa dagat sa Isla ng Panglao. Mahangin at maaliwalas ang paligid. Akma na pahingaan sa mga nahahapo ang katawan at isipan. Sa Panglao rin makikita ang isang bee farm, ngunit di na namin ito pinuntahan dahil ang isa sa aking mg kasama ay may alergy sa tusok ng bubuyog. Dahil nasa tabing dagat kami, mas masarap subukan ang mga pagkaing lamang dagat. Ang buong araw ay sinamantala namin na magrelaks at lumangoy.

Paghapon, tumungo kaming uli sa Tagbilaran, kumain ng hapunan at namasyal saglit sa Kapitolyo. Nakakaaliw ang restaurant kung saan kami kumain. Pawang dekorasyon nito ay manok. Mga larawang nakapinta’y manok, retablo na manok, pigurin na manok, at iba pang mga dekorasyon na manok. Manok rin ang specialty ng resturant na ito. Ang huling gabi namin na iyon ay sinamantala na naming makapag-bonding. Kinaumagahan, balik Maynila na kami.