Pilipino Ako

Hindi ko maitatanggi na Pilipino ako. Nakakatuwa sa ibang bansa, akala nila Indian daw ako. Kaya nga kahit nakakadry ang mga whitening soap, gumagamit din ako ng whitening lotion. Kung pwede lang inumin ang lotion at kainin ang sabon, gagawin ko siguro para from inside and out ang pagputi. Di naman ako maitim, di naman ako maputi. Ako’y kayumanggi.

Sa blog ko rito, pipilitin ko na mabigyang hustisya ang wikang napag-aralan ko sa pagbabahagi sa mga online users nang kung ano ang aking iniisip sa maraming bagay patungkol sa ating lahi. Dahil ako’y Pilipino, karangalan para sa akin na maging bahagi ng mga mambabasa ang laman ng aking isip at ang aking nararamdaman sa samu’t saring bahagi nga ating buhay bilang isang Pilipino.

Siguro, hindi rin ako magiging labis na pormal at iiwasan ko rin ang mahabang pagsusulat. Sabi kasi ng isang kamag-aral ko’t kaibigan may rules and principles pala ang blogging. Akala ko noong una tama na ang self-regulation. Sana maibigan niyo ang lahat ng maiba-blog ko rito. Sa pakiwari ko napakaraming maaring maisulat at dapat malaman tayo sa ating sarili bilang isang Pilipino.

Minsan may ginawa akong isang riserts, sinubok kong alamin kung ano ba ang isang Pilipino. Nagtatanong ako sa mga taong kilala ko na, babae, lalake, bading, tomboy, bata, lolo, lola, may ngipin, pustiso ngipin, istudyante, nagtratrabaho, nanay, tatay, ate, kuya pati si bunso. Andami nilang importante ko, pero iisa ang sagot nila: “IKAW” , “AKO” , “TAYO” , at may habol pang tanong “di mo ba kilala kung ano ka?”, at may pang-uusig, “‘di ka ba isang Pilipino?

Nakakalurky nga naman, bakit di na lang ako humarap sa salamin, tapos ininterbyu ko ang sarili ko, gayung Pilipino rin naman ako. Mahirap nga yatang kilalanin ang sarili mo mula sa pang-unawa ng ibang tao. Kung Pilipino nga ako, dapat may sagot na ako. Pero ang sagot ko naman ay hindi rin talaga galing sa akin, kundi kung ano ang tinuro sa akin.

Ang Pilipino ay isang mamayan ng Pilipinas, isinilang sa Pilipinas, mula sa mga Pilipinong magulang, at nagsasalita ng wikang Pilipino, may kultura at dugo ng lahing Pilipino. Ito ang mga natutunan ko, at ganito rin ang sinasabi ng mga taong napagtanungan ko. Siguro, iniisip nila na engot ako, at hindi ko alam kung ano ba ang tinatanong ko sa kanila.

Sa paglalakbay ko sa ibang bansa, iniisip ng mga dayong katulad ko kung ako ba ay Pilipino. Pag-nag Ingles na kasi ako, inaakala nila na Amerikano ako. Pero sa iba sabi nila mukha daw akong Indyano, kaya lagi kong inaamoy ang kilili-kili ko, kung amoy sibuyas at curry powder na ba ako. Kung gayon, wala sa hitsura ang pagiging Pilipino.

Kaya ang sunod na sinaliksik ko, e kung ano ang sinasabi ng mga awit patungkol sa Pilipino. Parang yung ginawang riserts ng isang Paring Heswita mula sa Ateneo. At andami ko ngang nalaman tungkol sa Pilipino, tapos mas nakalilala ko ang sarili kong pagkatao mula sa sinasabi ng kapwa ko.

Ang Pilipino ay may magiting na kasaysayan, may maharlikang dugo, at may pag-ibig sa bayan niyang pinagmulan. Kulay niya’y kayumanggi, wika niya’y iba’t iba ngunit natatangi, pango ang kanyang ilong, at siya’y may pagkabayani. May tapang nanalaytay sa kanyang mga ugat, bagaman mas matamis ang kanyang ngiti at mga tawang nagmumula sa kanyang labi. Masayahin at may pagpapahalaga sa kalayaan, katarungan at kapayaan. Mayroon siyang talentong kayang ipagmalaki at ibahagi sa mundo.

Iyon ang mga larawan ng Pilipino sa ilang mga piling awit na sinuri ko. Ang Pilipino ay isang tao na may pagpapahalaga sa kanyang kapwa, at kasama ng kanyang kapwa, bagaman may pagkakaiba nagkakaisa sa laman ng kanilang puso at damdamin ng kanilang kalooban. Sa kanyang isip, diwa at puso, doon mo nakikilala ang Pilipino, hindi sa kanyang panlabas na kaanyuan. Kaya ako, Pilipino ako.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s