Isang Dosenang Bagay na Dapat Gawin at Iwasan Pagpasok ng Bagong Taon

Maraming tradisyon ang pamilyang Pilipino sa pagpasok ng bagong taon. At ito ay patungkol sa pagpasok ng swerte sa buhay ng pamilya o sa isang indibidwal. Nakakatuwa ang mga ito at madali namang gawin kung kaya ito ay nagpapatuloy kahit pa hindi naman natin tanto ang dahilan sa mga ito at kung saang karunungan ito nahahalaw. Ah basta ginagawa natin ito kahit na hindi lohikal, kaya naman pipilitin ko itong ipaliwanag, at huwag na huwag niyong kalimutang gawin ang mga sumusunod:

  1.  Magsuot ng polka dots – para daw iyan marami kang pera sa darating na taon. Pero dapat iwasan na ang pangupit dahil yun naman kukupitan mo ang mamalasin. Yan ang una para sa mga mukhang pera, huwag lang sana kayong tubuan ng mga bilog na pantal sa inyong mukha dahil halatang halata na pera lang ang mahalaga sa buhay niyo. Try mo ito para isang taon kang fashion victim. Dahil polka dots ang isusuot mo, barya barya lang ang pasok ng pera sa iyo. Kung magpopolkadots ka, huwag naman black and white, kasi magmumukha kang dalmatian.
  2. Maglagay ng mga barya sa bawat sulok ng tahanan at magp-agaw nito – para uli sa pera yan, barya barya nga lang. Kung inipon mo iyan at ibinigay sa Pondo ng Pinoy o kaya sa red cross, sigurado ka pang may natulungan. Ipaagaw mo rin para masaya, kasi pag hinagis mo iyan may mabubukulan ka. Baka imbes na medya noche sa kusina, sa ospital pa ang punta niyong pamilya.
  3. Magpaputok ng firecrackers at lusis –  gumastos ka ng bonggang bongga para sa mga de boga mong paputok. Okey lang naman huwag ka lang makakasunog o kaya makatama ng iba. Huwag mo ring ihahagis sa mga taong dumadaan sa kalsada. Pero isipin mo na iyang usok ng paputok ang sisinghutin mo at magiging maitim na kulangot habang ikaw ay natutulog. Ang usok din ng firecrackers mo ang babalot sa atmosphere at magiging sanhin ng palalang global warming. Iyan ding paputok na nabibili mo e produkto ng child labor exploitation, dahil kelangan ng mga maliliit na daliri para makagawa ng isang paputok.
  4. Magtorotot at mag-ingay – ang ingay kasi e pampaalis ng malas, para sa paghiwalay ng taon e kasama niya ang malas sa buhay mo. Ayos ang magtorotot, dahil makakatulong ka sa mga local small entrepreneurs. Pero ang manorotot at sabay magpaputok sa ibang babae, iyan ang siguradong malas sa buhay mo. Ayos din ang mag-ingay, huwag lang iyong ingay ng away. Kaya kung sasarawian ang nakaraan siguraduhin mong iyong maganda ang iyong balikan at matuto kang magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng kasalanan. Kapag ang ingay na ginawa mo e nagging, at pang-alipusta sa iyong kapwa, buong taon kang magiging dakdakera at premyadong tsismosa.
  5. Maglagay ng 13 prutas sa mesa –  kahit alam mong mahal ang prutas at kulang ka sa budget, ipipilit mo ito para maswerte ang bagong taon mo. Trese hindi dose, kung gusto mong may 13th month pay ka pang makukuha. Siyempre hindi maasim kasi ayaw mong maging maasim ang buhay mo. Dapat daw matamis, kaya marami ang nagkakadiabetes. Dahil kelangan kumpleto ka, kahit hilaw pa yung prutas, sige ilalagay mo. Bibili ka ng maraming prutas tapos ididesplay mo lang, kaya sa makalawa bulok na ito at masasayang lamang. Kung wala ka na talaga, punta ka sa kapitbahay mo at pumitik ka ng prutas nila. Buong taon tuloy aasa ka sa iba.
  6. Buksan ang mga bintana at mga pinto ng aparador – para daw pumasok ang swerte sa lahat ng sulok ng bahay. Habang bukas ang mga bintana at busy kayong pamilya sa paghahanda at pagsasaya sa ibaba, ang akyat bahay ay mabilis pang makakapasok kesa sa bagong taon. Kaya lahat ng napag-ipunan mo malilimas kasabay ng lilipas na taon. Di bale isipin mo na lang sana makatulong ka, at dahilan din iyon para lalo kang magsumikap sa darating na taon.
  7. Buksan lahat ng ilaw – dapat maliwanag ang bagong taon sa iyo at hindi madilim. Ganyan din ang sabi ng Meralco, may liwanag ang buhay, kaya kelangan lahat ng ilaw e bukas sa gabing iyon. Dahil bukas lahat ng ilaw mas mabilis ang ikot ng metro at mas mataas ang kargada ng kuryente niyo. Dahilan din ito ng mga electric short circuits kasi lahat ng appliances at ilaw niyo e gumagana. Isang dahilan ng mga sunog ang mga short circuits. Kala mo ba pag-nasunuugan ka e malilibri ka sa singil ng kuryente, hindi ano. Hala sige buksan mo lahat ng ilaw.
  8. Maghanda ng bonggang-bongga – siyempre dahil papasok ang taon, ayaw mong maging tuyot sa bagong taon. Kaya nga kahit wala kang pera mangungutang ka para may maihanda ka. Dahil bongga ang handa mo, siguradong di yan mauubos sa media noche, kaya ilalagay mo lang sa ref, at dahil punong puno ang ref mo, hindi ito lalalamig at siguradong mapapanis ang handa mo kinabukasan. At pag panis na iyan, iinitin mo lang. Sana lang matibay ang sikmura niyo at handang lumaban sa mga bacteria sa inyong ulam.
  9. Magsusumigaw sa pagpasok ng taon –  kailangan daw mag-ingay para maitaboy ang masamang vibrations sa paglipas ng taon. Dahil masaya ka at nakasurvive ka sa nagdaang taon, sisigaw ka ng sisigaw sa tuwa. Pagtapos mo ng sigaw, iinom ka ng malamig at kakain ng matatamis. Kakalimutan mo pang magtoothbrush dahil pagod ka na selebrasyon, kaya pag-gising mo paos ka o kaya’y namamalat, mas masama kung namamaga na ang tonsils mo. Kundi ka naman iinom ng malamig, gugustuhin mo naman uminom ng mainit na tsokolate, ganun din iyon.
  10. Magpakabusog na parang wala ng bukas – dahil maraming pag-kain ang nakahain, gugustuhin mong kumain na parang wala nang bukas. Tapos noon matutulog ka na, hindi ka matutunawan at babangungutin ka. Sayang naabutan mo lang ang pagdating ng bagong taon at hindi ang mga araw ng bagong taon. Kung di ka man matepok agad, mamoroblema ka naman sa iyong figure. Mas mainam na tikman mo ang lahat ng handang nakahain at huwag sobrang kumain.
  11. Uminom ng alak at maglasing – mainam naman ang alak sa katawan, huwag lang sobra lalo pa kung may peptic ulcer ka na. Kung iinom ka ng alak wag maglasing at iwasan ang uminom sa kalsada. Pwedeng uminom hanggang tamaan ka, huwag lang sobrang lasing at tapos tatawag ka ng uwak. Kakahiya, iinom inom ka hindi mo naman pala kaya. Siguraduhin mong pag-iinom ka, hindi ka magsisirko sa kalsada at baka maputukan ka.
  12. Magsaya at kalimutan ang problema – kahit sandali lang magsaya ka at huwag mong isipin ang problema. Para good vibes ang dating ng bagong taon sa iyo. Kasi sigurado ako na ayaw mo namang pangit ka sa buong taon. Magsaya dahil buhay ka pa. Magsaya ka dahil tatanda ka pa kasabay no’n sana maging mature ka na. Kalimutan ang problema at bigyan mo na ng closure ang kung anuman na hindi maganda sa iyo.

Nawa ang buong taon niyo ay maligaya at puno ng saya at biyaya. Manigong bagong taon sa lahat ng aking masugid na mambabasa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s